Ang Mga Propesiya at Mga Turo ni Nephi

Ang Pagtanggap sa Mga Banal Na Kasulatan

2 Nephi 29:1–3

Sa oras ng pagpapanumbalik ng ebanghelyo, maraming mga tao ang magsasabi na ang Bibilya ay ang huling salita ng Diyos.

Ngunit masdan, magkakaroon ng marami—sa araw na yaon kung kailan ako ay magpapatuloy na gagawa ng isang kagila-gilalas na gawain sa kanila upang maalaala ko ang aking mga tipan na aking ginawa sa mga anak ng tao, upang maihanda kong muli ang aking kamay sa ikalawang pagkakataon upang mabawi ko ang aking mga tao, na kabilang sa sambahayan ni Israel;

At gayundin, upang maalaala ko ang aking mga pangakong ginawa sa iyo, Nephi, at gayundin sa iyong ama, upang maalaala ko ang iyong mga binhi; at nang ang mga salita ng iyong mga binhi ay mamutawi mula sa aking bibig patungo sa iyong mga binhi; at ang aking mga salita ay titimo hanggang sa mga dulo ng mundo, upang maging sagisag ng aking mga tao, na kabilang sa sambahayan ni Israel; At dahil ang aking mga salita ay titimo—Marami sa mga Gentil ang magsasabi:

‘Isang Biblia! Isang Biblia!
Mayroon na kaming Biblia, at hindi na
magkakaroon pa ng karagdagang Biblia.’

2 Nephi 29:4–5

Ipinaliwanag ng Diyos na ang Bibliya ay kanyang salita lamang bilang paghahayag sa mga hudyo.

Ngunit ganito ang wika ng Panginoong Diyos:

O mga hangal, sila’y magkakaroon ng Biblia;

At iyon ay manggagaling sa mga Judio,
na aking mga sinaunang pinagtipanang tao.
at ano ang pasasalamatan nila sa mga Judio sa Biblia
na kanilang tinanggap mula sa kanila?
Oo, ano ang ibig sabihin ng mga Gentil?

Naaalaala ba nila ang mga paghihirap,
at ang mga pagpapagal, at ang mga pasakit ng mga Judio,
at ang kanilang pagsusumikap para sa akin,
sa pagdadala ng kaligtasan sa mga Gentil?

O kayong mga Gentil,
inyo bang naaalaala ang mga Judio,
na aking mga sinaunang pinagtipanang tao?

Hindi, kundi inyong isinumpa sila,
at kinamuhian sila,
at hindi naghangad na sila ay mabawi.

Ngunit masdan, ibabalik ko sa inyong sariling mga ulo
ang lahat ng bagay na ito;

Sapagkat ako, ang Panginoon ay hindi nakalilimot sa aking mga tao.

2 Nephi 29:6–8

May iba pang mga anak ang Diyos bukod sa mga hudyo, at sa kanila rin, ay inihayag ang kanyang mga salita; dalawang talaan mula sa dalawang magkaibang mga tao ay nagpapatibay at umaalalay sa bawat isa.

Ikaw na hangal, na magsasabi:

‘Isang Biblia, mayroon na kaming Biblia,
at hindi na namin kailangan pa ng karagdagang Biblia.’

Nagkaroon ba kayo ng Biblia
maliban sa ito ay sa pamamagitan ng mga Judio?
Hindi ba ninyo alam na maraming bansa hindi lamang iisa?

Hindi ba ninyo alam na ako,
ang Panginoon ninyong Diyos, ang lumikha sa lahat ng tao,
at naaalaala ko yaong
mga nasa pulo ng dagat;

At na ako ang namamahala sa kalangitan sa itaas
at sa lupa sa ibaba;

At isinisiwalat ko ang aking salita
sa mga anak ng tao,
oo, maging sa lahat ng bansa sa mundo?

Dahil dito, bumulung-bulong kayo,
dahil ba sa kayo ay tatanggap pa ng karagdagang salita ko?

Hindi ba ninyo alam na ang patotoo ng dalawang bansa
ay saksi sa inyo na ako nga ang Diyos,
na naaalaala ko ang isang bansa gaya ng iba?
Dahil dito, sinasabi ko ang mga gayon ding salita
sa isang bansa gaya ng sa iba.
at kapag ang dalawang bansa ay susulong na magkasabay,
ang patotoo ng dalawang bansa
ay susulong ding magkasabay.

2 Nephi 29:9–11

Ang Diyos ay nangungusap sa lahat ng bansa, at kung siya ay nakipagusap sa isa, siya ay makikipag-usap sa iba pa.

At ito ay ginagawa ko
upang mapatunayan ko sa marami
na ako rin ang siyang
kahapon, ngayon, at magpakailanman;
at sinasabi ko ang aking mga salita
alinsunod sa aking sariling kasiyahan.

At sapagkat ako’y nakapagsabi na ng isang salita
ay hindi ninyo dapat akalain na hindi na ako muling magsasalita;
sapagkat ang aking gawain ay hindi pa natatapos;
ni hindi pa hanggang sa katapusan ng tao,
ni sa simula ng panahong iyon at magpakailanman.

Dahil dito, sapagkat mayroon kayong Biblia
ay hindi ninyo dapat akalain na yaon ay naglalaman na ng lahat kong salita;
ni hindi ninyo dapat akalain
na ako ay hindi na magpapasulat pa ng karagdagan.

Sapagkat inuutusan ko ang lahat ng tao,
kapwa sa silangan
at sa kanluran,
at sa hilaga,
at sa timog,
at sa mga pulo ng dagat,
na kanilang isulat ang mga salitang
aking sasabihin sa kanila;

Sapagkat mula sa mga aklat na isusulat
ay hahatulan ko ang sanlibutan,
bawat tao alinsunod sa kanyang mga gawa,
alinsunod doon sa nasusulat.

2 Nephi 29:12–14

Ang mga talaan ng mga Hudyo, Nephita, at iba pang kabihasnan ay magsasama-sama sa bandang huli.

Sapagkat masdan, magsasalita ako
sa mga Judio
at kanilang isusulat ito;

At magsasalita rin ako
sa mga Nephita
at kanilang isusulat ito;

At magsasalita rin ako
sa ibang mga lipi ng sambahayan ni Israel,
na aking inakay palayo,
at kanilang isusulat ito;

At ako ay magsasalita rin
sa lahat ng bansa sa mundo
at kanilang isusulat ito.

At ito ay mangyayari
na ang mga Judio ay magkakaroon
ng mga salita ng mga Nephita,
at ang mga Nephita ay magkakaroon
ng mga salita ng mga Judio;

At ang mga Nephita at ang mga Judio ay magkakaroon
ng mga salita ng mga nawalang lipi ni Israel;
at ang mga nawalang lipi ni Israel ay magkakaroon
ng mga salita ng mga Nephita at ng mga Judio.

At ito ay mangyayari na ang aking mga tao,
na nabibilang sa sambahayan ni Israel,
ay titipunin pauwi
sa mga lupaing kanilang pag-aari.

At ang aking salita ay matitipon din sa isa.
at ipakikilala ko sa kanila
na makikipaglaban sa aking salita
at laban sa aking mga tao,
na nabibilang sa sambahayan ni Israel,
na ako ang Diyos,
at na ako ay nakipagtipan kay Abraham
na aking aalalahanin ang kanyang mga binhi magpakailanman.