At ito ay nangyari na, na ang mga Lamanita ay nagsagawa ng mga paghahanda sa pagsalakay laban sa lunsod ng Tiankum. At ito ay nangyari na, na sa ikatatlong daan at animnapu at apat na taon, ang mga Lamanita ay sumalakay laban sa lunsod ng Tiankum, upang kanila ring masakop ang lunsod ng Tiankum. At ito ay nangyari na, na sila ay napaurong at naitaboy pabalik ng mga Nephita.
At nang makita ng mga Nephita na kanilang naitaboy ang mga Lamanita, sila ay muling nagmalaki sa kanilang sariling lakas; at sila ay sumalakay sa kanilang sariling lakas, at muling nabawi nila ang lunsod ng Kapanglawan. At ngayon, ang lahat ng bagay na ito ay nangyari, at mayroon ng libu-libong napatay sa magkabilang panig, kapwa sa mga Nephita at sa mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, na ang ikatatlong daan at animnapu at anim na taon ay lumipas, at muling sumalakay ang mga Lamanita sa mga Nephita upang makidigma; gayon man ang mga Nephita ay hindi nagsipagsisi sa kasamaang kanilang nagawa, kundi patuloy na nagpumilit sa kanilang kasamaan.
At hindi maaaring mailarawan ng dila, o maisulat ng isang tao ang ganap na larawan ng kasindak-sindak na tanawin ng dugo at pagkatay na nasa mga tao, kapwa sa mga Nephita at sa mga Lamanita; at ang bawat puso ay tumigas, kung kaya’t sila ay patuloy na nalugod sa pagpapadanak ng dugo. At hindi kailanman nagkaroon ng gayon kalaking kasamaan sa lahat ng anak ni Lehi, ni maging sa buong sambahayan ni Israel, ayon sa mga salita ng Panginoon, na katulad ng nasa mga taong ito.
At ito ay nangyari na, na nakuha ng mga Lamanita ang lunsod ng Kapanglawan, at ito ay dahil sa ang kanilang bilang ay higit pa sa bilang ng mga Nephita. At sila rin ay sumalakay laban sa lunsod ng Tiankum, at itinaboy palabas ang mga nananahanan doon, at maraming dinalang bihag na kapwa mga babae at bata, at inialay sila bilang mga hain sa kanilang mga diyus-diyusan.
Ang ikalawang liham ni Mormon sa kanyang anak na si Moroni.
At ito ay nangyari na, na sa ikatatlong daan at animnapu at pitong taon, ang mga Nephita na nagagalit sapagkat ang mga Lamanita ay inialay ang kanilang kababaihan at ang kanilang mga anak, kung kaya’t sila ay sumalakay laban sa mga Lamanita sa matinding galit, hanggang sa muli nilang nagapi ang mga Lamanita, at naitaboy silang palabas ng kanilang mga lupain.