Mga Lehites sa Jerusalem at Arabia

Ang Paglikas Mula sa Jerusalem

1 Nephi 2:1–2

Binalaan ng Diyos si Lehi sa isang panaginip na umalis sa Jerusalem, upang takasan ang mga banta sa buhay laban sa kanya.

Sapagkat masdan, ito ay nangyari na, na ang Panginoon ay nangusap sa aking ama, oo, maging sa isang panaginip, at sinabi sa kanya:

Pinagpala ka Lehi, dahil sa mga bagay na iyong ginawa; at sapagkat ikaw ay naging matapat at ipinahayag sa mga taong ito ang mga bagay na aking ipinag-utos sa iyo, masdan, hangad nilang kitlin ang iyong buhay.

At ito ay nangyari na, na inutusan ng Panginoon ang aking ama, maging sa isang panaginip, na nararapat niyang ipagsama ang kanyang mag-anak at lumisan patungo sa ilang.

1 Nephi 2:3–5

Si Lehi ay sumunod, umalis sa Jerusalem kasama ng kanyang pamilya, at naglakbay sa kahabaan ng Dagat na Pula.

At ito ay nangyari na, na siya ay naging masunurin sa salita ng Panginoon, anupa’t siya ay sumunod gaya ng ipinag-utos ng Panginoon sa kanya. At ito ay nangyari na, na siya ay lumisan patungo sa ilang. At iniwan niya ang kanyang tahanan, at ang lupaing kanyang mana, at ang kanyang ginto, at ang kanyang pilak, at ang kanyang mahahalagang bagay, at wala siyang dinala maliban sa kanyang mag-anak, at mga panustos, at mga tolda, at lumisan patungo sa ilang.

At siya ay naglakbay sa may mga hangganan na malapit sa dalampasigan ng Dagat na Pula; at siya ay naglakbay sa ilang sa mga hangganang mas malapit sa Dagat na Pula; at siya ay naglakbay sa ilang kasama ang kanyang mag-anak, na binubuo ng aking ina, si Saria, at ng mga nakatatanda kong kapatid na sina Laman, Lemuel, at Sam.

1 Nephi 2:6–7, 15, 10:16, 16:6, 9:1

Si Lehi at ang kanyang pamilya ay nanirahan sa isang lugar na kanilang tinawag na lambak ng Lemuel; gumawa sila ng kampo, bumuo ng isang altar, at sumamba sa Diyos.

At ito ay nangyari na, nang siya ay nakapaglakbay na nang tatlong araw sa ilang, itinayo niya ang kanyang tolda sa isang lambak sa tabi ng isang ilog ng tubig. At ito ay nangyari na, na siya ay gumawa ng isang dambanang bato, at gumawa ng isang pag-aalay sa Panginoon, at nagbigay-pasasalamat sa Panginoon naming Diyos.


At ang aking ama ay nanirahan sa isang tolda.


At ang lahat ng bagay na ito, na aking sinabi, ay ginawa ko habang naninirahan sa isang tolda ang aking ama, sa lambak ng Lemuel.


Ngayon, ang lahat ng bagay na ito ay winika at naganap nang ang aking ama ay naninirahan sa isang tolda sa lambak na tinawag niyang Lemuel .


At ang lahat ng bagay na ito ay nakita ng aking ama, at narinig, at sinabi, habang naninirahan siya sa isang tolda, sa lambak ng Lemuel, at maraming-marami pa ring bagay, na hindi maaaring isulat sa mga laminang ito.

1 Nephi 2:11–13

Dalawang pinakamatandang anak na lalaki ni Lehi, si Laman at Lemuel, ay nagreklamo, at hindi naniwala sa mga salita ng kanilang ama.

Ngayon, ito ay nasabi niya dahil sa katigasan ng leeg nina Laman at Lemuel; sapagkat masdan, sila ay bumubulung-bulong sa maraming bagay laban sa kanilang ama, dahil sa siya ay isang mapangitaing tao, at inakay sila palabas sa lupain ng Jerusalem, upang iwan ang lupaing kanilang mana, at ang kanilang ginto, at ang kanilang pilak, at ang kanilang mahahalagang bagay, upang mangasawi sa ilang. At sinabi nila na ito ay ginawa niya dahil sa mga hangal na guni-guni ng kanyang puso.

At sa gayon sina Laman at Lemuel, na mga nakatatanda, ay bumulung-bulong laban sa kanilang ama. At sila ay bumulung-bulong sapagkat hindi nila nalalaman ang mga pakikitungo ng Diyos na siyang lumikha sa kanila. Ni hindi sila naniniwala na ang Jerusalem, ang dakilang lunsod, ay maaaring mawasak alinsunod sa mga salita ng mga propeta. At sila ay katulad ng mga Judio na nasa Jerusalem, na naghangad na kitlin ang buhay ng aking ama.

1 Nephi 2:8–10, 14

Si Lehi, habang pinapansin ang tanawin, ay nagpayo sa kanyang pinakamatatandang mga anak na lalaki, si Laman at Lemuel, na itigil ang pagrereklamo at magtiwala sa Diyos.

At ito ay nangyari na, na tinawag niya ang pangalan ng ilog na, Laman, at ito ay umuuho patungo sa Dagat na Pula; at ang lambak ay nasa mga hangganang malapit sa bukana niyon. At nang makita ng aking ama na ang mga tubig ng ilog ay umuuho patungo sa bukal ng Dagat na Pula, siya ay nangusap kay Laman, sinasabing:

O sana ay maging katulad ka ng ilog na ito, patuloy na umaagos patungo sa bukal ng lahat ng kabutihan!

At siya ay nangusap din kay Lemuel:

O sana ay maging katulad ka ng lambak na ito, matibay at matatag, at hindi matitinag sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon!


At ito ay nangyari na, na ang aking ama ay nangusap sa kanila sa lambak ng Lemuel, nang may kapangyarihan, na puspos ng Espiritu, ...

1 Nephi 2:14

Si Laman at Lemuel ay Lubhang natinag ng mga salita ng kanilang ama, at sinunod siya.

...hanggang sa ang kanilang mga katawan ay nanginig sa harapan niya. At sila ay kanyang nalito, kaya sila ay hindi nakapangahas na magsalita nang laban sa kanya; anupa’t sila ay sumunod gaya ng kanyang ipinag-utos sa kanila.

1 Nephi 2:16

Si Nephi, nang marinig ang sinabi ng kanyang ama, ay nanalangin tungkol dito.

At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, na lubhang bata pa, gayunman ay may malaking pangangatawan, at sapagkat mayroon ding matinding pagnanais na malaman ang mga hiwaga ng Diyos, dahil dito, ako ay nagsumamo sa Panginoon;...

1 Nephi 2:16

Ang Katotohanan ng mga salita ni Lehi ay napagtibay sa puso ni Nephi.

...at masdan, dinalaw niya ako, at pinalambot ang aking puso kung kaya’t pinaniwalaan ko ang lahat ng salitang sinabi ng aking ama; anupa’t ako ay hindi naghimagsik laban sa kanya na tulad ng aking mga kapatid.

1 Nephi 2:17–18

Ibinahagi ni Nephi ang kanyang karanasan sa kanyang kapatid na si Sam, na siyang naniwala, at kay Laman at Lemuel, na mga hindi naniwala.

At kinausap ko si Sam, ipinaaalam sa kanya ang mga bagay na ipinaalam sa akin ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu. At ito ay nangyari na, na siya ay naniwala sa aking mga salita. Datapwat, masdan, sina Laman at Lemuel ay ayaw makinig sa aking mga salita; at sapagkat nagdadalamhati dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, ako ay nagsumamo sa Panginoon para sa kanila.

1 Nephi 2:19–24

Si Nephi ay nakatanggap ng isang paghahayag na tumitiyak sa kanyang pagpapala na nagmumula sa pagsunod sa mga utos ng Diyos; Sinabihan siya na siya ay bahagi ng mas malaking plano: isang paglalakbay patungong lupang pangako.

At ito ay nangyari na, na ang Panginoon ay nangusap sa akin, sinasabing:

Pinagpala ka, Nephi, dahil sa iyong pananampalataya,
sapagkat hinanap mo ako nang buong pagsisikap,
nang may kapakumbabaan ng puso.

At habang
sinusunod mo ang aking mga kautusan,
ikaw ay uunlad,
at aakayin sa isang lupang pangako;

Oo, maging sa isang lupaing aking inihanda para sa iyo;

Oo, isang lupaing pinili nang higit sa lahat ng iba pang lupain.

At habang ang iyong mga kapatid
ay naghihimagsik laban sa iyo,
sila ay itatakwil mula sa harapan ng Panginoon.

At habang sinusunod mo ang aking mga kautusan,

ikaw ay gagawing isang pinuno at isang guro sa iyong mga kapatid.

Sapagkat masdan,
sa araw na yaon na sila ay maghimagsik laban sa akin,
susumpain ko sila maging ng isang masidhing sumpa,
at hindi sila magkakaroon ng kapangyarihan sa iyong mga binhi
maliban kung sila ay maghimagsik din laban sa akin.

At kung mangyayari na sila ay maghimagsik laban sa akin,
sila ay magiging isang pahirap sa iyong mga binhi,
upang pukawin sila sa mga landas ng pag-alaala.

1 Nephi 3:1

Si Nephi ngayon ay nagtungo sa tolda ni Lehi.

At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay bumalik, matapos makipag-usap sa Panginoon, sa tolda ng aking ama.

1 Nephi 3:2–6, 5:16

Si Lehi ay nagsabi kay Nephi ng mga tagubiling natanggap niya mula sa Panginoon na si Nephi at ang kanyang mga kapatid na lalaki ay kinakailangang bumalik sa Jerusalem upang kunin ang talaan ng kasaysayan ng kanilang pamilya at angkan: ang laminang tanso, na kasalukuyang hawak ng isang tao sa Jerusalem na nagngangalang Laban.

At ito ay nangyari na, na nangusap siya sa akin, sinasabing:

Masdan, ako ay nanaginip ng isang panaginip, na kung saan ang Panginoon ay nag-utos sa akin na ikaw at ang iyong mga kapatid ay magbalik sa Jerusalem. Sapagkat masdan, na kay Laban ang talaan ng mga Judio at gayon din ang isang talaangkanan ng aking mga ninuno, at ang mga yaon ay nakaukit sa mga laminang tanso.

Anupa’t ang Panginoon ay nag-utos sa akin na ikaw at ang iyong mga kapatid ay nararapat magtungo sa tahanan ni Laban, at hanapin ang mga talaan, at dalhin ang mga yaon dito sa ilang.

At ngayon, masdan, ang iyong mga kapatid ay bumubulung-bulong, sinasabing isang mahirap na bagay ang aking hinihingi sa kanila; subalit masdan, hindi ako ang humihingi sa kanila, kundi ito ay isang kautusan ng Panginoon. Kung gayon humayo, anak ko, at ikaw ay kakasihan ng Panginoon, sapagkat ikaw ay hindi bumubulung-bulong.


At si Laban ay inapo rin ni Jose, kaya nga iniingatan niya at ng kanyang mga ama ang mga talaan.

1 Nephi 3:7–8

Tinanggap ni Nephi ang mga tagubilin ng Panginoon na inihatid ni Lehi.

At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay nangusap sa aking ama:

Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila.

At ito ay nangyari na, nang marinig ng aking ama ang mga salitang ito siya ay lubhang nagalak, sapagkat kanyang napagtanto na ako ay pinagpala ng Panginoon.