Masdan, ngayon ito ay nangyari na, na sa ikaanimnapu at siyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ng mga Nephita, na si Nephi, na anak na lalaki ni Helaman, ay nagbalik sa lupain ng Zarahemla mula sa lupaing pahilaga. Sapagkat siya ay nakahayo na sa mga tao na nasa lupaing pahilaga, at ipinangaral ang salita ng Diyos sa kanila, at nagpropesiya ng maraming bagay sa kanila; At tinanggihan nila ang lahat ng kanyang salita, kung kaya nga’t hindi siya maaaring manatili sa kanila, kundi nagbalik muli sa lupang kanyang sinilangan.
At nakikita na ang mga tao ay nasa kalagayan ng kakila-kilabot na kasamaan, at ang mga yaong tulisan ni Gadianton na nanunungkulan sa hukumang-luklukan— matapos makamkam ang kapangyarihan at karapatan sa lupain; isinasaisantabi ang mga kautusan ng Diyos, at ni hindi matwid sa harapan niya; hindi pinaiiral ang katarungan sa mga anak ng tao; Pinarurusahan ang mabubuti dahil sa kanilang kabutihan; hinahayaang mapawalan ang may kasalanan at ang masasama nang hindi naparurusahan dahil sa kanilang salapi; at higit pa roon, ang manungkulan sa tanggapan ng puno ng pamahalaan, upang mamahala at gawin ang naaayon sa kanilang kagustuhan, upang sila ay makinabang at matamo ang papuri ng sanlibutan, at higit pa roon, upang higit na madali nilang magawa ang pakikiapid, at magnakaw, at pumatay, at gawin ang naaayon sa sarili nilang kagustuhan—
Ngayon, ang malaking kasamaang ito ay sumapit sa mga Nephita, sa loob ng iilang taon lamang; at nang makita ito ni Nephi, napuspos ng kalungkutan ang kanyang puso sa kanyang dibdib; at siya ay napabulalas sa labis na paghihirap ng kanyang kaluluwa:
O, na ang akin sanang mga araw ay nasa mga araw ng unang lisanin ng aking amang si Nephi ang lupain ng Jerusalem, sana’y nagalak akong kasama siya sa lupang pangako; noon ang kanyang mga tao ay madaling kausapin, matatag sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at mabagal akaying gumawa ng kasamaan; at sila ay mabilis na nakikinig sa mga salita ng Panginoon—
Oo, kung ang mga araw ko sana ay nasa mga araw na yaon, sa gayon ang kaluluwa ko ay nagkaroon sana ng kagalakan sa kabutihan ng aking mga kapatid. Subalit masdan, ako ay itinadhanang ito ang aking maging mga araw, at napupuspos ang kaluluwa ko ng kalungkutan dahil dito sa kasamaan ng aking mga kapatid.
At masdan, ngayon ito ay nangyari na, na sa tuktok ito ng tore, na nasa halamanan ni Nephi, na malapit sa lansangang-bayan patungo sa punong pamilihan, na nasa lunsod ng Zarahemla; samakatwid, iniyukod ni Nephi ang sarili sa tore na nasa kanyang halamanan, kung aling tore ay malapit din sa may pintuan ng halamanan patungo sa lansangang-bayan.
At ito ay nangyari na, na may ilang kalalakihang dumaraan at nakita si Nephi habang ibinubuhos niya ang kanyang kaluluwa sa Diyos sa may tore, at sila ay tumakbo at sinabi sa mga tao ang kanilang nakita, at ang mga tao ay sama-samang nagtungo nang maramihan upang malaman nila ang dahilan ng labis na pagdadalamhati dahil sa kasamaan ng mga tao.
At ngayon, nang tumindig si Nephi ay namasdan niya ang maraming tao na sama-samang nagtipon. At ito ay nangyari na, na ibinuka niya ang kanyang bibig at sinabi sa kanila:
Sapagkat masdan, si Nephi ay nangusap sa kanila hinggil sa katiwalian ng kanilang mga batas; oo, maraming bagay ang sinabi ni Nephi na hindi maaaring isulat; at walang anumang bagay siyang sinabi na salungat sa mga kautusan ng Diyos.
At ngayon ito ay nangyari na, nang sabihin ni Nephi ang mga salitang ito, masdan, may mga kalalakihan na mga hukom, na kabilang din sa lihim na pangkat ni Gadianton, at sila ay nagalit, at sila ay nagsalita nang laban sa kanya, sinasabi sa mga tao:
Bakit hindi ninyo dakpin ang lalaking ito at dalhin siya, upang siya ay maparusahan alinsunod sa mabigat na kasalanang nagawa niya? Bakit kayo nakatunghay sa taong ito, at pinakikinggan siyang laitin ang mga taong ito at ang ating mga batas?
At ang mga hukom na yaon ay nagalit sa kanya dahil sa pangungusap niya nang malinaw hinggil sa kanilang mga lihim na gawain ng kadiliman; gayon pa man, hindi nila tinangkang saktan siya ng kanilang mga kamay, sapagkat sila ay natatakot sa mga tao na baka sila makapagsalita nang laban sa kanila. Kaya nga, sila ay sumigaw sa mga tao, sinasabing:
Bakit ninyo pinahihintulutan ang taong ito na laitin tayo? Sapagkat masdan, hinatulan niya ang lahat ng taong ito, maging hanggang sa pagkalipol; oo, at gayon din ang mga dakilang lunsod na ito ay kukunin mula sa atin, na hindi tayo magkakaroon ng lugar sa mga yaon. At ngayon alam natin na hindi maaaring mangyari ito, sapagkat masdan, tayo ay makapangyarihan, at ang ating mga lunsod ay dakila, kaya nga hindi tayo maaaring madaig ng ating mga kaaway.
At ito ay nangyari na, na sa gayon nila pinukaw ang mga tao na magalit laban kay Nephi, at pumukaw ng alitan sa kanila; sapagkat may ilang nagsipagsigawan:
Hayaan ang lalaking ito, sapagkat siya ay isang mabuting tao, at ang mga yaong bagay na kanyang sinabi ay tiyak na mangyayari maliban kung tayo ay magsisisi; Oo, masdan, lahat ng kahatulang pinatotohanan niya sa atin ay sasapitin natin; sapagkat nalalaman natin na siya ay nagpatotoo nang tama sa atin hinggil sa ating mga kasamaan. At masdan, ang mga ito ay marami, at nalalaman niya ang lahat ng bagay na mangyayari sa atin tulad ng pagkakaalam niya ng ating mga kasamaan; Oo, at masdan, kung hindi siya isang propeta, hindi sana siya nakapagpatotoo hinggil sa mga bagay na yaon.
At ito ay nangyari na, na ang mga yaong taong naghahangad na patayin si Nephi ay napipilan dahil sa kanilang takot, kung kaya’t hindi nila nasaktan siya ng kanilang mga kamay; anupa’t siya ay nagsimulang mangusap muli sa kanila, nakikitang nakuha niya ang pagsang-ayon sa paningin ng ilan, hanggang sa ang yaong mga nalalabi sa kanila ay natakot.
Kaya nga, siya ay napilit na mangusap pa sa kanila sinasabing: